'Narco-list,' ikinababahala ng ilang barangay officials

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 06:57 PM

Nanawagan ang ilang pinuno ng mga barangay sa Metro Manila na tiyaking may batayan ang listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga barangay captain na umano ay sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Nangangamba ang ilang opisyal ng mga barangay dahil posible umanong samantalahin ang pagbintang sa kanila, lalo at nalalapit na ang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

"Kung ilalabas nila 'yong narco-list na 'yon, wala naman substantial evidence... parang trial by publicity ang mangyayari," ani Alvin Mañalac, chairman ng Barangay Tinajeros sa Malabon

"Masakit isipin na involved sa droga ang isang leader," sabi naman ni Rolly Cebu, ex-officio ng Barangay 176, North Caloocan.

Para naman sa iba, dapat ilabas ang naturang listahan bago ang halalan sa Mayo. 

"Iyong natatakot ka, may kasalanan ka," sabi ni Elpidio Bunag, chairman ng Barangay Sta. Lucia sa Pasig.

Noong Sabado, ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño na nasa 9,000 ang bilang ng mga barangay captain na nasa "narco-list" ng pangulo.

Iginiit naman ng DILG na dumaan sa verification process o proseso ng pagpapatunay ang listahan.

Dapat din umanong tugunan ng mga tatakbong barangay official ang problema sa droga sa kani-kanilang mga nasasakupan.

"Kapag talagang napakaraming drug addict sa barangay mo, may problema ka, ikaw mismong kapitan," ani Diño, ang undersecretary for barangay affairs.

Nauna nang nanawagan si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino na huwag iboto ang mga sangkot o protektor ng ilegal na droga sa mga lokal na pamahalaan.

Dagdag ni Aquino, nakikipag-ugnayan na sila sa DILG para suspendehin o kasuhan ang mga opisyal ng barangay na umano'y sangkot sa droga.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.