'Judicial independence,' iginiit ng ilang hukom sa gitna ng isyu kay Sereno

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 07:37 PM

Pagbibitiw ni Sereno, hiniling umano sa isang manifesto

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabas ang ilang hukom ng iisang statement para igiit ang kanilang judicial independence.

Lumabas ang pahayag sa social media.

Nilalaman ng pahayag ang pangako ng mga hukom na ipagtatanggol ang Konstitusyon at ang pag-iral ng rule of law, at gagawin nila ang lahat para hindi ito madungisan sa gitna ng pamumulitika.

Wala naman silang ginawang pagtatanggol kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Pero ayon pa rin sa pahayag, hindi mahalaga kung sino ang nakaupo ngayon sa puwesto, mas importanteng magpatuloy ang paggulong ng katarungan.

"I stand for judicial independence. I swore to uphold the Constitution and the rule of law. I am committed to abide by the canons of judicial ethics to preserve the dignity of the judicial office and the impartiality and independence of the judiciary. In light of the challenges facing the institution, I stand steadfast to my oath and commitments, as it matters not who sits on the bench but to make sure that the wheels of justice continue to roll," saad ng pahayag. 

"I have only disdain for those who try to curtail that independence and I will do what is within my authority to insulate the judiciary from partisan politics. For I believe that a working democracy means an independent judiciary and I hereby affirm my oath."

May kalakip din ang pahayag na "#judicialindependence."

Ayon sa ilang source ng ABS-CBN News, may umiikot na manifesto na pirmado ng ilang mahistrado para ipanawagang mag-resign na si Sereno.

Nakatakda raw itong isapubliko bukas.

ENRILE VS. SERENO

Posible namang bumalik sa impeachment court si dating Senador Juan Ponce Enrile, ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali.

Aniya, magiging bahagi si Enrile ng prosekusyon laban kay Sereno.

Si Enrile ang dating presiding judge sa impeachment trial ni noo'y Chief Justice Renato Corona.

"He has signified his availability to be a volunteer as part of the prosecution panel," ani Umali. "He is a constitutionalist, one of the leading legal experts of the country so we want to gain from his experience."

(Nagsabi si Enrile na puwede siyang maging bahagi ng prosekusyon. Isa si Enrile sa nangungunang ekspertong legal sa bansa at gusto naming matuto sa kaniyang karanasan.)

Kung matutuloy, si Enrile ay tatayong adviser ng prosecution panel.

"Sila ang nagdesisyon no'n kung bakit na-convict si Chief Justice Corona on the basis of this non-disclosure of some assets in the SALN. This will help a lot in terms of us also prosecuting along those lines," sabi ni Umali.

Ayon kay Umali, bukod kay Enrile, marami pang mga abogado ang nagboluntaryong maging bahagi ng prosecution panel, kabilang na ang ilang miyembro ng defense team ni Corona noon.

Ito ay kailangang aprubahan pa muna ng speaker at majority leader ng mababang kapulungan ng Kongreso.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.