Jeep at pickup nagsalpukan sa QC, isa sugatan

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 08:40 AM

MANILA - Isa ang sugatan sa salpukan ng jeep at pickup truck sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City madaling araw ng Linggo.

Kinilala ang nasugatan na si Benito Aguba, 60 anyos na pahinante ng jeep na magde-deliver sana ng saging galing probinsya ng Quezon tungo sa Balintawak.

Sa kuha ng CCTV, makikitang binabagtas ng pick up ang Biak na Bato Street, nang makasalpukan ang jeep na binabagtas naman ang Cuenco Street.

Pero iginiit ng driver ng jeep na si Crispin Donatos na siya ang nasa Biak na Bato Street nang biglang salpukin ng pick up.

Tumangging magbigay ng anumang pahayag ang driver ng pick up na kinilala bilang si Archimedes Aguilar, 24 anyos.

Nasa East Avenue Medical Center si Aguba na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan matapos maipit sa tumagilid na jeep ng halos isang oras.

Patuloy ang imbestigasyon ukol sa aksidente, ngunit ayon sa QC Traffic Sector 1, base sa nakita sa CCTV dapat parehas na nagmenor ang jeep at pick up lalo pa't intersection ang dinaanan nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.