Batang nawala sa piyesta, ginahasa at pinatay; suspek na kabitbahay arestado

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2018 11:05 AM | Updated as of Jan 10 2020 02:32 PM

Iniinspeksyon ng mga pulis ang lugar kung saan nakita ang bangkay ng isang bata na hinihinalang ginahasa. T'boli police

T’BOLI, South Cotabato - Inaresto ng mga pulis nitong Biyernes ang isang lalaking hinihinalang nanggahasa at pumatay sa kaniyang 9-taong-gulang na kapitbahay na nawala sa gitna ng piyesta ng bayan.

Nitong Miyerkoles, sumama ang bata sa kaniyang pamilya na bantayan ang stall ng videoke na itinayo nila para may kaunting pagkakakitaan sa piyesta.

Dakong alas-8 ng gabi, nagpaalam ang bata na pupunta sa palikuran. Sinamahan siya ng kaniyang ama, pero nauna itong bumalik sa kanilang stall nang magkaroon ng problema ang kanilang videoke machine.

Nagtagal bago napansin ng pamilya na hindi pa nakakabalik ang bata, pero inakala nilang namasyal lang ito sa peryahan o pumunta sa mga kamag-anak.

Nang mag-alala kalaunan, hinanap nila nang 5 oras ang bata at nagpasaklolo sa mga pulis nang mabigong makita ito.

Nitong madaling-araw ng Huwebes, natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng bata sa damuhan sa likurang bahagi ng stall ng kaniyang pamilya.

Nagtamo ito ng malaking sugat sa maselang bahagi ng katawan at kaniyang tiyan. Kinumpirma kinalaunan ng mga imbestigador na ginahasa ang bata.

Nakuha sa lugar ang ilang damit na may bakas ng dugo gayundin ang 2 pares ng tsinelas, kabilang ang isa na pag-aari ng biktima.

Watch more in iWantTFC

Inaresto ng mga pulis ang kapitbahay ng biktima nitong Biyernes matapos magsumbong ang isang testigo na pag-aari nito ang mga damit na nakuha sa crime scene.

Dagdag ng testigo, ilan pang duguang damit ang nakita niya sa basurahan sa likod ng bahay ng suspek.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang. Aniya, natutulog na siya nang mangyari ang krimen at nagising lang nang matagpuan ang bangkay ng bata at makarinig ng sigaw.

Una nang inaruga ng pamilya ng biktima ang suspek dahil wala itong trabahao. Desidido silang kasuhan ang suspek.

Panganay ang bata sa 3 magkakapatid. Malambing at masayahin ito, ayon sa kaniyang pamilya.

Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.