Seaman sugatan sa pamamaril sa Makati

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2017 08:33 AM

Isang 29-anyos na seaman ang sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala habang bumibili ng pagkain sa labas ng inuupahang bahay sa Barangay Palanan sa Makati City.

Bandang alas-tres ng madaling araw nitong Sabado nang magkagulo ang dalawang grupo ng mga lalaki sa Bautista Street.

Ayon sa nakakita, apat na lalaki ang napadaan sa kanilang lugar. Isa dito ay lasing umano at nagbantang mananampal sa mga tambay doon.

Nang hamunin ng mga tambay, agad raw itong bumunot ng baril at nagpaputok.

Dito na tinamaan ang bystander na kinilalang si Danreb Pacto, isang seaman.

Gumanti naman ang mga tambay sa pamamagitan ng paghagis ng mga bote sa grupo ng namaril.

Agad rumesponde ang mga pulis sa gulo at pinaputukan ang gunman na si Gilbert Dinglasan Lopez. Nagtamo siya ng tama ng bala sa kanang pisngi.

Isinugod kaagad sa ospital ang dalawang nasugatan.

Isa sa mga kasama ni Lopez ang naaresto ng mga pulis, habang patuloy na pinaghahanap ang dalawa pang nakatakas.