Bangkay ng 2 lalaki itinapon sa Payatas Road

Jeffrey Hernaez, DZMM

Posted at Mar 11 2017 09:46 AM | Updated as of Mar 11 2017 10:05 AM

Binigti muna bago pinagbababaril ang 2 lalaki na biktima umano ng summary execution na itinapon sa gilid ng Payatas Road sa Quezon City.

Nakita ang marka ng pagbigti sa mga hindi pa nakikilalang mga biktima na nasa edad na 30 hanggang 40 taong gulang at pawang tadtad ng tattoo sa katawan.

Kapwa may tama ng bala sa ulo ang mga biktima.

Walang makapagturo kung sino ang nasa likod ng pamamaslang dahil walang nakakita sa kung sino man ang nagtapon sa mga bangkay sa gilid ng kalsada.

Samantala, sa Caloocan City, dead on spot naman ang 1 tricycle driver matapos pagbabarilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo sa bahagi ng Barangay Bagong Silang.

Kinilala ang biktima na si Jayson Reloban, 25-anyos.

Sa imbestigasyon, nakatambay sa gilid ng kalsada si Reloban nang biglang pagbabarilin ng mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaslang.

Napagalaman na kabilang din sa drug watchlist si Reloban.