Bakbakan sa pagitan ng militar at NPA sa Batangas, tuloy pa rin

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2017 04:51 PM

Patuloy pa rin ang bakbakan sa hanay ng militar at mga kumpirmadong miyembro ng New People’s Army sa bulubundukin ng Batulao sa western Batangas.

Ayon kay Col. Arnulfo Burgos Jr., brigade commander ng 202nd Infantry Brigade ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, nagsimula ang sagupaan bandang ala-una ng hapon ng Biyernes sa Barangay Tuong sa bayan ng Tuy.

Punitive act umano ang focus ng military operation na kanilang isinasagawa kaugnay pa rin sa naganap na panununog at pagnanakaw sa Nasugbu, Batangas.

Binubuo ng Philippine Air Force, Philippine Army at Philippine National Police Special Action Force ang security forces na tumutugis sa rebeldeng grupo.

Samantala, narekober naman ng tig-isang AK47, bandolier, shotgun at explosive device ang operatiba.

Wala pa naman umano silang naitatalang casualty sa bakbakan.

Siniguro naman ng awtoridad na mayroong mga itinalagang engagement areas na malayo sa mga komunidad at sibilyan para hindi sila madamay habang patuloy ang bakbakan.

Magtatagal umano ang operasyon ng militar hanggang hindi pa nahuhuli ang mga responsable sa panununog at extortion activity.