PatrolPH

'Malulugi lang pag bumiyahe': Tigil-pasada ikinakasa sa gitna ng oil price hikes

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2022 07:55 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Magtitigil-pasada ang ilang grupo ng transport sector sa susunod na Martes kung hindi masusunod ang inilista nilang mga hiling mula sa gobyerno. 

Kabilang sa mga hirit nila ang mga sumusunod: 

• Ibigay ang nararapat na fuel subsidy
• Alisin ang excise tax, VAT sa produktong petrolyo
• Amyendahan ang oil deregulation law

"Kapag hindi umakto ang gobyerno… hihintayin pa ba nila huminto ang operasyon? Papaano po lalabas ang mamamayan kung hindi na kaya ang sobrang taas ng gasolina? Kung walang kita, bakit ka pa lalabas, kung malulugi ka lang, bakit ka lalabas?" ani Jobert Bolanos ng Motorcycle Rights Organization.

"Sa ayaw man namin at sa gusto, hihinto kami dahil wala na kaming magagawa para paandarin ang mga truck na ito…. Hindi kami makakabiyahe dahil wala kaming pambayad ng diesel," ani Teddy Gervacio ng Confederation of Truckers Association.

Pakiusap naman ng Department of Transportation (DOTr), huwag idamay ang mga commuter.

"Dapat po nating tandaan na ang ating serbisyo ay serbisyo publiko. Ito po ay may nakaatang na responsiblidad nang nabigyan tayo ng prangkisa... Hindi po kasalanan ng publiko ang pagtaas ng presyo ng petroleum products, wala silang kinalaman du'n," ani DOTr Undersecratary Mark Steven Pastor.

Kung matutuloy man ang pinaplanong tigil-pasada ng ilan sa transport sector, maghahanda ang DOTr ng libreng sakay sa mga pasaherong maii-stranded.

Samantala, nagkausap na rin ang DOTr at ibang petitioner at nagkasundo na bawiin na ang hiling na taas-pasahe.

Ang kapalit, dinobleng fuel subsidy na aabot sa P5 milyon na ibibigay nang dalawang bagsakan.

Kapag natanggap na ng DOTr ang budget mula sa DBM, aabutin nang isa hanggang 2 araw bago mai-credit sa mga Pantawid Pasada card ang fuel subsidy.

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.