PatrolPH

Umano'y notoryus na rapist arestado sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2022 04:47 PM

Arestado sa Caloocan ang isang lalaki na inireklamo ng panggagahasa ng mga menor de edad, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nahuli nila sa entrapment operation kamakailan ang suspek na si Alexander Yu.

Isa sana sa mga magiging biktima ni Yu ang 16 anyos na si alyas "Snow."

Ayon kay "Snow," nakatanggap siya ng menshae sa isang Messenger account mula sa isang babae na nag-alok sa kaniya ng trabaho.

Maliban sa malaking suweldo, pinangakuan umano si "Snow" ng mamahaling cellphone, pero dapat ay makipagkita raw muna siya sa kausap.

Pero nalaman ni "Snow" na isa pala sa kaniyang kaibigan ay nabiktima ng suspek.

Nagsumbong sa pulisya si "Snow" at ang kaibigan nito kaya nagkasa ang mga awtoridad ng operasyon laban kay Yu.

Narekober kay Yu ang 50 sim card at mga memory card.

Inamin rin ng suspek na nasa 25 babae na ang kaniyang nabiktima.

Kinasuhan ng rape, child abuse at robbery ang suspek dahil bukod sa panggagahasa, ninanakawan pa niya ang kaniyang mga biktima.

Nagpayo ang QCPD sa mga menor de edad na huwag magpadala sa mga alok na cellphone at pera kapalit ng pagsama sa mga hindi kakilala.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.