MAYNILA - Umarangkada na ngayong Huwebes ang ikaapat na bugso ng National COVID-19 vaccination days, kung saan higit 1.8 milyon edad 12 pataas ang target na mabakunahan kontra sa sakit.
Bukod sa mga mall at mga itinalaga nang vaccination sites, ibababa rin ang bakunahan sa mga pinagtatrabahuan, mga klinika, at mga barangay.
May mga vaccination team din na magbabahay-bahay.
Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na libre ang pagbabakuna.
Puwedeng magpabakuna ng first dose, 2nd dose o kaya booster shot.
Base sa datos, nasa 64 milyon o 71 porsiyento ng eligible population ang nabakunahan na sa bansa kontra COVID-19.
Nasa 10.7 milyon naman ang may booster shots sa fully-vaccinated individuals.
Nauna nang nabanggit ng mga awtoridad na tututukan sa National Vaccination Days ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Region 7, Region 12, at Region 13.
-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.