PatrolPH

Medical supplies store sa Maynila na-holdap; higit P100,000 natangay

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2022 06:28 PM | Updated as of Mar 10 2022 06:29 PM

Mahigit P100,000 ang natangay sa isang medical supplies store sa Sta. Cruz, Maynila matapos mabiktima ng isang holdaper noong Marso 7. 

Sa kuha ng CCTV, pasado alas-3 ng hapon nang pasukin ng armadong suspek ang tindahan. Tinutukan nito ng baril ang mga nasa loob ng tindahan at pilit na pinalalabas ang pera mula sa may hawak ng kaha.

“Tinutukan na niya kami ng baril. Hindi na kami nakapalag kaya 'yun binigay na namin kung ano gusto niya, pero nagtagal pa siya mga 5 minuto siguro ang inabot mga ganun," saad ng isa sa mga biktima.

Dinig sa CCTV ang pagmamakaawa ng mga biktima matapos magbanta ang suspek na magpapaputok ng baril. Hinanap pa ng suspek ang isang bag na naglalaman umano ng pera.

“Sabi niya 'Pera yung pera, yung mga pera, akin na, yung bag, may bag diyan akin na yan.' Siguro tinitktikan na kami nun sigurado, di lang namin siya napansin, kaya yun ang hinahanap niya yung bag na yun, eh wala naman masyado ganoong kalaking pera ang laman na yun,” kuwento ng biktima.

Walang nagawa ang mga biktima kung 'di ibigay ang pera sa suspek na agad na tumakas gamit ang motorsiklo.

Ayon kay Brgy. Chairman Angelito Atutubo, Sr. ng Brgy. 346, Sta. Cruz, Maynila, maaaring matagal na minamanmanan ng suspek ang tindahan. 

Lumalabas din kasi sa kuha ng CCTV na nasa 30 minuto muna ang kawatan sa labas ng tindahan bago ginawa ang panghoholdap, 

“May nakita 'yan, hindi naman papasok ang holdaper kung walang nakita 'yan kaya ang sabi ko dito sa barangay ko, pag oras na may pera, nakita ng tao 'yan, sa hirap ng buhay ngayon, papasukin at papasukin kayo niyan kaya ingatan niyo,” ani Atutubo.

Ayon kay Manila Police District Spokesperon Capt. Philipp Ines, patuloy ang imbestigasyon sa insidente. Nagpaalala rin siya sa mga negosyante, 

“Napakahalaga talaga ng mga CCTV at nakita naman natin na kapag mayroon tayong CCTV malaking tulong ito para ma-identify natin kung sino talaga itong perpetrator na it," ani Ines. 

Dagdag pa niya: "At kung sakaling maipit sa ganitong sitwasyon, paaalala natin na sumunod lang tayo sa ipinag-uutos nitong suspek natin na ito para hindi naman makompromiso iyong buhay natin, mas mahalaga ang buhay kaysa sa ari-arian." 

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.