PatrolPH

Radio reporter patay, 1 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2021 04:25 PM


ROXAS CITY, Capiz — Patay ang isang radio reporter sa lungsod na ito nitong Miyerkoles, ilang araw matapos masangkot sa isang aksidente.

Nakilala ang biktima na si Ronilo Andelecio, residente ng Barangay Lawaan, at nagtatrabaho sa isang local radio station sa lungsod. 

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bumangga ang sinasakyang motorsiklo ng biktima sa isang nakaparadang tanker truck noong Linggo.

Sa lakas ng pagkabangga ay nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang biktima.

Kaagad na dinala sa ospital si Andelecio pero makalipas ang 2 araw ay binawian ito ng buhay.

Samantala, sa hiwalay na insidente, sugatan naman ang isang lalaki matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Bula, Mambusao, Capiz noong Martes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Paterno Olangga Danieles, 41, na nakatira sa nasabing lugar.

Ayon sa imbestigasyon, nakaimon ng alak ang biktima at dahil sa umuulan ay nadulas ang motorsiklo at bumangga sa isang SUV.

Matinding sugat sa paa at iba pang bahagi ng katawan ang tinamo ni Danieles.

Patuloy na nagpapagaling ang biktima.


—Ulat ni Rolen Escaniel, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.