PatrolPH

'Mga estudyanteng gagala sa harap ng panganib ng COVID-19 dapat pauwiin'

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 04:18 PM | Updated as of Mar 10 2020 08:09 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Inatasan ng pinuno ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan, barangay, at pulis na pauwiin ang lahat ng mga estudyanteng makikita sa matataong lugar. 

Kasunod ito ng pagpataw ng class suspensions sa lahat ng siyudad sa Metro Manila para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19.) 

Paliwanag ni DILG secretary Eduardo Año, mawawalan ng saysay ang pagsuspinde ng mga klase kung gagala lang din ang mga estudyante.

Nanawagan din ang kalihim sa mga magulang na disiplinahin ang mga anak at huwag payagan ang mga ito na gumala. 

Sa halip, ayon sa kalihim, dapat gawin ng mga bata ang kanilang mga takdang-aralin. 

"The President has directed all local officials in NCR from mayors down to punong barangays as well as all units of the Philippine National Police to ensure that no children are seen loitering around and, if they are seen, they are to be immediately sent home to do their homework," ani Año. 

Nanawagan din si Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga mall na makipagtulungan. 

"What the malls and the movie houses should do is not to allow those students. They should also cooperate," ani Panelo. 

"I’m appealing to them kasi kailangan natin magtulungan eh, all of us should do something. We should be creative. If I were them, they should not allow or discourage them from entering the malls or movie houses, para sa kapakanan nila 'yun eh,” dagdag niya.

Watch more on iWantTFC

Gabi ng Lunes nang magdeklara ng suspensyon sa lahat ng antas si Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng paglobo ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, partikular na sa Metro Manila. 

Noon, iginiit na rin ni Duterte na nasa bahay lang dapat ang mga estudyante para mag-aral. 

"So yung diyan sa labas, tanungin niyo sila, magdadala ng libro. If they are there, they will be escorted to the parents, and for the parents to be lectured on the responsibilities of being a parent," dagdag niya. 

Sa ngayon, nasa 33 na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, ayon sa Department of Health. Nakataas din ang code red sub-alert 1 sa buong Metro Manila. 

Sa kabila ng pagdami ng kaso, igiiit ng DILG na hindi pa kinakailangang magpatupad ng lockdown sa Metro Manila sa ngayon. -- May mga ulat nina Zhander Cayabyab, Arianne Merez, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.