Kabataang nasa lakwatsa habang suspendido ang klase dahil sa COVID-19, pinagsabihan ng pulis sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2020 07:52 PM | Updated as of Mar 10 2020 08:14 PM

MANILA - Pinagsabihan ng mga pulis ang kabataang inabutang nasa labas ng kanilang mga tahanan sa Valenzuela City habang kanselado ang klase sa mga paaralan dahil sa banta ng pagkalat ng COVID-19.

Sa mga larawang kuha ng Valenzuela City Police, makikita ang ilang kabataang nasa mga pangunahing mall at commercial establishment sa lungsod.

Pinagsabihan na umano ang mga ito na huwag munang lumabas ng kanilang mga bahay dahil sa COVID-19.

Naglabas rin ng anunsiyo ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City sa kanilang Twitter page para sa mga lolo at lola.

Laman ng anunsiyo ang ilang mga maaaring gawin habang walang pasok sa paaralan ang mga bata, katulad ng paggawa ng school works, pagbabasa, panonood ng mga informative na palabas at paglalaro ng educational board games.

Pinayuhan rin sila na huwag na munang hayaang lumabas ang mga apo para maiwasan ang paglaganap ng sakit.

Nauna nang sinuspinde ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila dahil sa banta ng COVID-19 sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng sakit. 

Nilinaw rin niya na patuloy na mag-aaral ang mga estudyante sa kanilang mga bahay habang walang pasok sa mga paaralan.

Tutulong din ang pulisya at mga lokal na opisyal para maipaliwanag sa mga magulang ang sitwasyon, ayon kay Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.