70 katutubo nabiktima ng food poisoning sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2019 03:43 PM

Hindi bababa sa 70 katutubong Aeta ang nabiktima ng food poisoning sa Capas, Tarlac matapos dumalo sa thanksgiving party ng isang non-government organization (NGO) noong Sabado.

Kuwento ng isang nanay ng batang dumalo at kumain sa pagtitipon, alas-2 ng hapon ginanap ang party at bandang alas-4 ay nagsusuka at nagtatae na ang kaniyang anak.

"Bandang alas-4 nagsuka tapos nanghina na siya," sabi ni Manilyn dela Cruz.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Tarlac Provincial Hospital (TPH) ang 9 anyos na anak ni Dela Cruz. 

Kabilang sa mga pagkaing inihanda ay adobo, kilawin, gulay, kanin, at ice cream para sa mga bata

Ayon sa lider ng mga Aeta, aabot sa 70 bata at matatanda ang nakaranas ng pagsusuka at pagtatae pero ang ilan ay hindi na nagpadala sa pagamutan. 

Matagal na umanong tumutulong sa mga katutubo ang NGO, na pinamumunuan daw ng isang dating madre.

"Marami na po siyang naitulong sa amin. Di naman niya siguro kagustuhan 'yung nangyari," sabi ni Nora Cosme, lider ng mga katutubo.

Dumalaw naman daw sa ospital ang mga taga NGO at nangakong sasagutin ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima. 

Payo ng doktor, siguruhin na malinis at maayos ang paghahanda ng pagkain para makaiwas sa parehong pangyayari. 

"Mabilis talaga kumalat ang mikrobyo sa pagkain kapag mainit," sabi ni Dra. Mara Sangilan ng TPH. —Ulat ni Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.