Suspek sa pagnanakaw sa Manila Memorial Park, arestado

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 04:24 AM

Arestado ang umano'y isa sa mga suspek sa pagnanakaw sa isang mawsoleo sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Ayon kay Senior Insp. Jerry Sunga ng Parañaque police, dating caretaker ng sementeryo ang suspek.

Pinabulaanan naman ng suspek ang paratang sa kaniya.

Aniya, lumapit lamang sa kaniya ang 2 kakilala upang ipabenta ang gold-plated na urna sa isang junk shop sa Las Piñas.

Naibenta niya ito sa halagang P1,900 bago napanuod sa telebisyon na nakaw pala ang urna.

Dagdag niya, inutusan din umano siya ng 2 na magnakaw ng abo sa sementeryo bilang kapalit ng inalis na abo sa ninakaw na urna.

Magugunitang nitong Marso 4 napabalitang nawawala sa mawsoleo ang urna na naglalaman ng abo ni Maria Cruz.

Si Cruz ang negosyante na natagpuang patay sa loob ng isang maleta sa Amerika noong 2004.

Sasampahan ng kasong robbery ang suspek habang patuloy na tinutugis ang 2 nitong kasamahan. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.