SOCO: Empleyado ng city hall, natagpuang duguan sa loob ng sariling kuwarto

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 03:47 PM

 

 

Binansagang "Johnny Bravo" ang 30 anyos na si Roberto Givera dahil matipuno ang pangangatawan at malakas ang dating nito.

Isa na sa mga humanga kay Givera ang 35 anyos na Valenzuela City Hall employee na si Domingo Dimas.

Taong 2012 nang magkakilala sina Roberto at Domingo.

"Bago siya mag-birthday, parang birthday gift na daw namin sa kaniya [na] makuha namin 'yung number [ni Roberto]," pag-alaala ng kaibigan ni Domingo na si alyas "Irish."

Simula nang magkakilala ang dalawa, nagkaroon raw ng malalim na pagkakaibigan sina Roberto at Domingo.

Naging madalas raw ang pagpunta ni Roberto sa bahay ni Domingo.

Pero noong Nobyembre 20, 2012, isang komosyon ang naganap sa loob ng kuwarto ni Domingo.

"Galing akong school. Kauuwi ko lang that time. Dumating ako sa bahay, wala pang tao. Ako pa lang kaya nagpahinga muna ako," kuwento ni alyas "Jericho," pamangkin ni Domingo.

Nagulat na lang raw si Jericho nang gisingin siya ni Domingo dahil kadalasan daw ay gabi na umuuwi ito mula sa trabaho.

"Mga around 3 [ng hapon] ata, nagising ako. Ginising ako ng tito ko. Hindi ko alam na dumating na pala siya."

Bumalik sa pagtulog si Jericho, ngunit matapos ang ilang saglit, muli itong nagising dahil sa narinig na kalabog.

"Mga siguro wala pang isang oras na nakabalik ako sa tulog, may narinig na lang akong mga kalabog. Tito ko, [sinisigaw] 'yung pangalan ko."

Mabilis na pinuntahan ni Jericho ang kaniyang tiyuhin.

"Dumiretso ako, nakita ko 'yung bandang doorknob, may mga talsik ng dugo," ani Jericho. 

"Sinilip ko sa pinakasiwang ng pintuan, sa ilalim, [may nakita akong] isang tao na nakasapatos, tapos may dugo," dagdag niya.

Doo'y natuklasan ni Jericho na isang lalaki pala ang kasama ni Domingo sa kaniyang kuwarto. Dumungaw pa raw ang naturang lalaki sa bintana.

"Iyun 'yung time na nakita ko siya face-to-face. Sabi niya, buksan ko daw 'yung pinto kasi 'yung tito ko nahimatay daw, pero hindi na agad ako naniwala."

Mula sa kuwarto, mabilis na tumawid at bumaba ng bakod ang lalaki. Sa kabila ng mga bato at pamalo, nakatakas ito.

"Binabato namin siya, pero matibay," ayon kay Jericho. "Nakababa siya ng kahoy, tapos nakatakbo na siya sa kabilang bakod."

Dinala pa sa ospital si Domingo, pero idineklara siyang dead on arrival.

Sundan ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng Ipaglaban Mo! sa ABS-CBN.

--Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.