Naaksidenteng trabahador na ayaw umano ipagamot ng employer, nagreklamo

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 07:40 PM | Updated as of Jan 09 2020 06:17 PM

Watch more in iWantTFC

Isang construction worker na naaksidente sa trabaho at nabalian ng buto sa kaliwang braso ang dumulog para magreklamo sa "Tapat Na Po."
    
Reklamo ni Julito Balasabas, halos isang taon na kasi siyang naghihintay ng tulong para maoperahan ang kaniyang braso.
    
Dahil sa sakit, ilang buwan na ring hindi makapagtrabaho si Balasabas kaya ang misis muna nito ang suma-sideline para may makain ang pitong anak.

"Ang gusto ko lang sanang mangyari, operahan lang nila ito. Kasi di ko kayang ganito ako. Masakit sa akin," aniya.

Ayon kay Balasabas, ang kompanyang Victory Land ang nagbibigay sa kaniya ng trabaho sa construction.

Hindi rin naman daw siya pina-miyembro sa government agencies na puwede sanang makatulong sa kaniya sa oras ng kagipitan.

"Wala, wala po kaming SSS (Social Security System). Wala ring Pag-IBIG at PhilHealth," hinaing ni Balasabas.

Idinulog ng Tapat Na Po kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang problema.

"Sabihin niyo dalhin sa ospital tapos we'll ask ECC (Employees' Compensation Commission) to handle the operational expense. It's his right," giit ng kalihim.

Paliwanag naman ng kinatawan ng Tagumpay Realty Corporation, sister company ng Victory Land, posibleng umabot hanggang P500,000 ang gastos sa operasyon at therapy ni Balasabas.

Depensa pa ng kompanya, may opinyon din ang isang doktor na puwede namang gawin ang operasyon sa ibang ospital sa mas mababang halaga, pero tinutulan raw ito ni Balasabas.

Nilinaw din nila na sinagot nila ang naunang bayarin sa ospital at nagbigay din ng lingguhang allowance kay Balasabas.

Binisita na rin ng ECC si Balasabas pero P10,000 cash assistance lamang umano ang ibibigay nila.

Sa mga konsyumer na nais magpadala ng reklamo, magpost lamang po sa Facebook page ng Tapat Na Po.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.