Halos 7-talampakang sawang lumamon sa manok, nahuli sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 09:59 AM

Nahuli ng rescuers ang sawang may 7 talampakan ang haba na bumulabog sa mga residente ng Barangay Tibungco, Davao City, Marso 10, 2018. Berchan Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Binulabog ng sawang halos 7 talampakan ang haba ang mga residente ng Barangay Tibungco dito sa siyudad Sabado ng madaling araw.

Nagising sa pagaspas ng mga manok si Florencia Rim alas-2:30 ng madaling araw.

Kasama ang asawang si Jose, agad nilang sinuri ang kalagayan ng mga alagang manok. 

Laking gulat nila nang makita ang malaking sawa na nilalamon na ang isa sa mga alagang manok.

Dali-dali namang gumawa ng paraan ang mag-asawa pati ang mga kapitbahay upang mahuli ang sawa at nang hindi na makain pa ang halos 40 manok ng mag-asawa.

Sa tulong din ng rescuers ay nahuli agad ang sawa na may timbang na halos walong kilo.

Hinihinalang galing ang ahas sa malapit na sapa sa lugar.

Isang reticulated python ang nakuha ng mga rescuer. Itinuturing itong isa sa mga pinakamahaba at pinakamabigat na reptile sa buong mundo.

Paalala naman ng mga rescuer na tumawag agad sa kinauukulan kung makakakita ng mga ligaw na hayop sa paligid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.