5 patay sa sunog sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 10:05 AM | Updated as of Jan 09 2020 06:19 PM

Nilamon ng apoy ang dalawang palapag na bahay ng pamilya Cirillo sa Corrales Extension sa Cagayan de Oro City, Marso 10, 2018, kung saan lima, kabilang na ang tatlong menor de edad, ang nasawi. Rod Bolivar, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY – Limang katao ang nasawi sa sunog na sumiklab sa dalawang palapag na bahay sa Corrales Extension dito, madaling araw ng Sabado.

Kinilala ng may-ari ng bahay na si Eduardo Cirilio ang mga biktima na mga anak niyang sina Mark Kenneth, 21 anyos, at tatlo pang anak na menor de edad.

Kabilang din sa namatay ang nobya ni Mark Kenneth na si Connie Nandong, 24 taong gulang.

Ang sunog na labi ng mga biktima ay natagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng bahay. Isa dito ay nakita sa loob ng banyo.

Natutulog umano ang pamilya Cirillo nang sumiklab ang apoy pasado ala-1 ng madaling araw.

Agad na nilamon ng apoy ang buong kabahayan na gawa umano sa light materials.

Nakaligtas naman sa sunog at naospital ang misis ni Eduardo na si Melody at tatlo pa nilang kamag-anak.

Wala umanong fire exit ang kanilang bahay at ang pinto sa harap ay nakakandado. Wala sa bahay si Eduardo nang maganap ang sunog.

Ani Eduardo, tumalon sa ikalawang palapag ang kaniyang asawa.

Watch more in iWantTFC

Pinapatalon din niya ang mga anak pero hindi sila tumalon kaya na-trap sila sa loob.

Sa inisyal na imbestigasyon, confined space ang bahay at dahil makapal ang bakal ng pader, hindi agad nakalabas ang mga residente.

Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection kung ano ang mitsa ng sunog.

Nasa P100,000 ang halaga ng pinsala ng sunog.

-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.