400 ektaryang taniman ng sibuyas sa Nueva Ecija, inatake ng pesteng 'harabas'

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 06:11 PM | Updated as of Nov 13 2018 07:12 PM


Nanlulumo ang mga magsasaka sa San Jose City, Nueva Ecija sa sinapit ng kanilang mga tanim na sibuyas dahil halos maubos na ang mga dahon nito at maliliit na ang mga bunga bunsod ng pag-atake ng harabas o army worms.

"Nakakadismaya, tatlong buwan kong pinaghirapan tapos magiging ganito lang pala," hinaing ng magsasakang si Gaudencio Valdez.

Ayon sa mga magsasaka, magdamag lang ang aabutin para ubusin ng mga harabas ang tanim na sibuyas.

Dahil dito, napilitan nang mag-ani ang ilang mga magsasaka sa pangambang maubos ng mga harabas ang kanilang mga tanim.

Isa sa mga maagang nag-ani si Pely Manzano, na may 5,000 square meters na taniman.

"Binunot na namin kasi pag hindi pa namin aanihin, uunahin na ng harabas," aniya.

Nilinaw naman ng City Agriculture Office na hindi pa idinedeklara ang state of calamity sa lungsod kahit pa 29 na barangay na ang apektado ng harabas. 

"Wala pa... Pag-uusapan pa lang [nila mayor]," ani Violeta Vargas, ang city agriculturist. 

Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan na gamitin ang calamity fund sakaling kailanganin ito.

Samantala, hindi pa naman apektado ang presyo ng sibuyas na umaabot pa rin sa P40 hanggang P45 kada kilo.

-- Ulat ni Edward Quinto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.