11 timbog sa droga sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2018 04:22 AM | Updated as of Nov 13 2018 06:14 AM

Arestado ang 11 katao sa ikinasang anti-drug operation sa Tondo, Maynila.

Pito sa mga nahuli ay matagal ng nasa drugs watchlist ng Raxabago police.

Ang pinakabata sa mga nahuli ay 21-anyos habang 66-anyos naman ang pinakamatanda.

Batay sa paunang ulat ni Chief Insp. Manny Israel ng Raxabago police, nagsagawa sila ng joint operation kasama ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng search warrant sa Room 301, Building 11 sa Barangay 101 Vitas Katuparan.

Nasamsam ng mga otoridad sa naturang kuwarto ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu, isang sumpak na kargado ng isang 12 gauge na bala, at mga drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sasampahan din ang nahulihan ng sumpak sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. - ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.