UPLB students hangad ang hustisya para sa pinatay na barrio doctor

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 03:13 PM

LOS BAÑOS, Laguna - Isa-isang nagsindi ng kandila ang ilang estudyante ng UP Los Baños para sa alaala ng nasawing 31-taong gulang na duktor na si Dreyfuss Perlas.

Marso 1 nang barilin si Perlas sakay sa kanyang motorsiklo sa Lanao del Norte. Nagsilbi ito roon bilang volunteer doctor sa ilalim ng Doctors to the Barrios Program ng gobyerno simula pa taong 2012.

Nagtapos naman ng kolehiyo si Perlas sa UPLB noong 2006 at naging miyembro rin ng ilang student organizations. 

Malaking kawalan naman umano para sa kanilang grupo, lalo’t higit ay sa maliliit na komunidad na pinagsilbihan ni Perlas, ang pagkawala nito.

“Yung pagkawala niya po ay sobrang nakaka-disappoint kasi bilang isang tao na nagdedicate sobra ng buhay niya para sa service, hindi niya po deserve na mapatay nang ganun ganun lang,” sabi ni Regin Dungca ng UPLB Philobioscientia.

“Kapatid namin yung namatay at kahit di man namin siya, di ko siya kilala personally it’s a shocking loss para sa amin. Nawalan tayo ng isang bayani, isang handang tumulong ng wala or konti lang yung kapalit,” sabi ni Aljohn Domingo ng UPLB Pi Omicron fraternity.

Sa inorganisa nilang candle lighting ceremony para Perlas, hustisya ang kanilang panawagan.

“Ang goal po namin is hindi po mag-settle sa naging result po na naeliminate na raw po yung nagshot kay Brod Drey. Hindi po kami kontento sa ganun,” sabi ni Dungca.

Dagdag pa naman ni Domingo, “Di namin makakalimutan yung kung ano yung nangyari sa kanya. Hindi namin titigilan hanggang sa makahanap kami ng hustisya para sa kapatid namin.”

Magsisilbi naman daw hamon para sa kanila ang pagpapatuloy ng naiwang legacy ni Dr. Drey.