Mga gurong rumaraket sa field trip, binalaan ng DepEd

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 08:41 AM

Nagbabala ang Department of Education (DepEd) na maparurusahan ang mga paaralan na posibleng ginagawang negosyo o may nakukuhang kickback mula sa mga field trip.

"Puwede silang makasuhan ng dishonesty, gross misconduct at kasong kriminal o sa Ombudsman sa graft and corruption," sabi ni DepEd Usec. Tonisito Umali.

Napagalaman ni DepEd Secretary Leonor Briones na mayroong mga guro na may koneksyon umano sa mga travel agencies kaya taon-taon ay iisang lugar ang pinupuntahan ng mga estudyante.

Nauna nang nag-isyu ng moratorium ang DepEd sa pagsasagawa ng mga field trip matapos mamatay ang ilang estudyante sa pagsalpok ng tour bus sa poste ng kuryente sa Tanay, Rizal noong Pebrero.