Gina Lopez pinarangalan bilang 'Woman of Courage'

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 03:02 PM

Tumanggap ng isang parangal si Department of Environment and Natural Resources secretary Gina Lopez mula sa grupo ng mga kababaihan nitong Biyernes.

Nagpunta sa bahay ni Lopez ang ilang opisyal ng Gabriela Alliance of Women upang personal na iabot sa kalihim ang "Woman of Courage Award."

Ayon sa mga opisyal ng Gabriela, karapat-dapat si Lopez sa parangal dahil sa kanyang layuning maresolba ang ilang suliraning pangkalikasan kahit na malalaking korporasyon ang kanyang nababangga.

"Nakita namin yung mga ginagawang pamamaraan ng iba't ibang influential at malalaking mga mining companies na may interes dito. Hinahamon natin ang Commission on Appointments na manindigan din alongside ng ating mga kababayan,"sabi ni Joms Salvador, secretary general ng Gabriela.

Samantala, bagamat aminado si Lopez na nadismaya siya sa ilang tanong ng Commission on Appointments, niliwanag naman niya na hindi niya sinisisi ang ilang sektor sa paulit-ulit na tanong at isyung ibinato sa kanya.

Hiling lamang ni Lopez na sana ay mamayani sa Pilipinas ang ekonomiyang nakikinabang ang lahat at hindi ang iilan lamang 

"Ito ang siguradong-sigurado ako, sa pagalaga ng kalikasan, doon manggagaling ang pakinabang ng lahat, hindi sa pera," sabi ni Lopez.