Bilang ng may HIV sa Pilipinas, dumarami: DOH

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Mar 10 2017 03:18 PM

Photo by Czar Dancel, Reuters

Ikinababahala ng Kagawaran ng Kalusugan ang patuloy na paglobo ng mga naitatalang kaso ng HIV sa Pilipinas, na halos umabot sa 27 ang bilang ng mga kasong naitatala kada araw.

Ayon sa Department of Health HIV Registry of the Philippines, may 844 na bagong kaso ng HIV ang naitala noong Enero 2017 lamang. 

Ang talang ito ang pinakamarami sa loob ng isang buwan mula 1984, at mas mataas ng 5 porsiyento kumpara sa datos noong Enero 2016.

Ayon sa mga awtoridad, nasa 96 porsiyento sa mga biktima ng HIV ay mga lalaki na karamihan ay 25 hanggang 35 taong gulang. Nasa 31 porsiyento naman ng mga biktima ang nasa edad na 15 hanggang 24.

Karamihan sa mga pasyente ay nagkaroon ng sakit dahil sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki, habang ang iba naman ay nakuha ang sakit mula sa pakikigamit ng karayom sa pagtuturok ng iligal na droga.

Samantala, 9 na buntis ang naitalang may HIV kaya may posibilidad na mahawa ang kanilang mga dinadalang sanggol.

Ayon sa tala ng DOH, 3 na ang namatay mula sa HIV, habang 90 pasyente naman ang mayroon ng "full-blown AIDS".