PatrolPH

Lalaki namaril dahil sa na-clamp na sasakyan; kagawad patay

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2023 07:24 PM

MAYNILA - Isa ang patay habang isa ang sugatan matapos mamaril ng isang lalaki sa bar sa Malate, Maynila dahil lang umano sa na-clamp nitong sasakyan. 

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Office, lumapit sa biktima, na barangay kagawad at manager ng bar, ang suspek para sabihing na-clamp ang kaniyang sasakyan. 

Pero giniit ng biktima na wala siyang magagawa rito. 

Umalis na ang suspek pero makalipas ang ilang minuto bumalik ito bitbit ang kaniyang baril at pinagbabaril ang biktima habang nagtatakbuhan palayo ang mga empleyado ng bar. 

Nakatakbo rin ang biktima at naisugod pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay. Sugatan naman ang isang waitress. 

"Hindi yata nagustuhan ng suspect ang sagot ng biktima umalis tapos bumalik tapos walang habas na namaril," ani MPD Homicide Division Chief Police Capt. Dennis Turla. 

Tumakas ang suspek gamit ang na-clamp na sasakyan pero nahabol ito ng mga pulis. 

Labis naman ang paghihinagpis ng live-in partner ng biktima. 

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.