PatrolPH

Higit 2,300 pamilya lumikas dahil sa baha sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2022 12:40 PM | Updated as of Mar 09 2022 07:46 PM


Lumobo na sa higit 2,300 pamilya ang inilikas sa Davao City dahil sa pagbaha.

Labing-isang barangay sa lungsod ang apektado ng baha bunsod ng pag-apaw ng Davao River, Talomo River, Bunawan River at Lasang River, sabi nitong Martes ng mga lokal na opisyal.

Ang pag-apaw ng ilog ay bunsod ng masamang panahong dala pa rin ng low pressure area na nakakaapekto sa ilang parte ng Visayas at Mindanao.

Ayon sa Davao City Social Services and Development Office, karamihan sa mga lumikas ay umuwi agad noong Martes, pero may ilan pa ring nanatili sa mga evacuation center.

Naghatid ng pagkain at modular tent ang local government unit.

Wala namang naiulat na casualties, ayon sa Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Sa Soccsksargen, binaha rin ang ilang bayan dahil sa walang tigil na ulan.

Sa Maitum, Sarangani province, 10 barangay ang apektado ng baha kaya 200 indibiduwal ang lumikas, ayon sa provincial disaster office.

Watch more on iWantTFC

Nag-brownout naman sa ilang parte ng Zambaonga City matapos masira ang steel tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa masamang panahon.

Libo-libong residente at negosyo sa Arena Blanco, Guiwan, Mercedes, Tumaga at Tetuan ang apektado ng brownout.

Naibalik naman ang supply ng kuryente makalipas ang isang araw matapos kumpunihin ng NGCP at Zambaonga City Electric Cooperative ang sira sa kabila ng masungit na panahon at maputik na lugar na kinatatayuan ng tore.

— May ulat nina Hernel Tocmo, Chat Ansagay at Jewel Reyes

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.