PatrolPH

Guro na nag-order ng cellphone online, bato ang natanggap

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2022 12:37 AM | Updated as of Mar 12 2022 08:05 PM

(UPDATE) Imbis na cellphone, bato ang natanggap ng isang guro matapos siya mag-order ng naturang gadget sa isang online shopping platform. 

Sa Facebook post ni Catherine Magtangob na mula Capalonga, Camarines Norte, makikita na may hawak siyang package na ang laman dapat ay cellphone na binili niya sa sa halagang P15,000.

Pero nang buksan ito, laking gulat niya na bato ang laman ng box ng cellphone.

Watch more News on iWantTFC

Cash on delivery umano ang pagbayad ni Magtangob pero nakaalis na ang rider ng buksan nila ang package. Nahabol pa nila sa bayan ang rider pero tumanggi ito na ibigay ang pera lalo't na-i-report na ito sa kompanya.

Mismo ang rider daw ang nagsabi na i-video ang pagbukas ng package lalo't may kamahalan ito.

Agad naman nilang ipina-blotter sa pulisya ang pangyayari at ang naturang seller. 

Kalaunan ay nabalik ang pera ni Magtangob.

Ayon sa kaniya, sira na ang kaniyang cellphone kaya nag-order siya ng bago lalo't kailangan niya ito sa mga webinar ng mga guro. 

Pinag-ipunan pa niya ang pambili, saad ng guro na nagtuturo sa elementary.

HIndi pinangalanan ng online platform kung sino ang may kagagawan sa insidente.

Dahil sa pangyayari, mas magiging mabusisi na daw si Magtangob sa mga binibili niya online.

Sa isang pahayag, sinabi ng online shopping platform na Lazada na mula sa kanilang platform nangyari ang transaksiyon. 

Lumapit na umano ang Lazada sa biktima para makuha nito ang refund. 

"Lazada continually strives to make online shopping a safe space for all sellers and shoppers, and its customer service team is always ready to help when an issue arises... Lazada Customer Care unit has immediately reached out to Ms. Catherine Magtangob and has helped the customer to get a full refund," anila sa isang pahayag sa ABS-CBN News.

—May ulat ni Jose Carretero 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.