Sunog sumiklab sa Agdao, Davao City; higit 300 bahay natupok

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2021 09:20 PM

MAYNILA - Mahigit 300 bahay ang nasunog matapos sumiklab ang apoy sa Purok IKP at San Jose sa Barangay Vicente Duterte, Agdao, Davao City nitong Martes ng hapon, ayon sa mga awtoridad. 

Anila, alas 2:53 ng hapon nagsimula ang apoy. Wala namang naitalang nasugatan o nasawi dahil sa sunog, batay sa inisyal na ulat. 

Nagtulungan ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection, Central 911 at mga volunteer fire brigades sa pag-apula ng sunog pero nahirapan umanong makapasok ang mga firetruck dahil sa kitid ng mga daanan.

Malakas din ang hangin at gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis kumalat ang apoy.

Umabot sa mga bahay sa dagat ang apoy kaya gumamit ng bangka ang mga bumbero para maapula rin ang sunog.

PANOORIN: 

Watch more on iWantTFC

Sinira rin nila ang ilang bahay para hindi na kumalat pa ang apoy at para maisalba pa ng mga residente ang ilang materyales.

Inaalam pa ng mga bumbero ang pinagmulan at ang sanhi ng sunog.
Pansamantalang tumira sa barangay gym at designated evacuation centers ang mga nasunugan.

Pinag-iingat din ng BFP ang publiko ngayong fire prevention month.

 Abangan pa ang ibang detalye.