Nasa P108-M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa Makati; 2 timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2021 01:15 AM | Updated as of Mar 09 2021 06:42 AM

Nasa P108 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa dalawang suspek sa Makati City.

MAYNILA (UPDATE)- Nasa P108 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Brgy. West Rembo sa Makati City Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, nasa 16 kilo ng naturang kontrabando ang nasamsam mula sa dalawang suspek na inaresto sa operasyon sa Kalayaan Avenue. 

Watch more in iWantTFC

Kinilala ang 2 lalaking nakatransaksyon na sina “Taba”, 49, at “Indeg”, 28, na kapwa taga-Cagayan De Oro.

Nakatago sa upuan at sa isang maleta ang mga nahuling ilegal na droga. Nakasilid sa lalagyan ng Chinese herbal tea ang mga nasabat na bloke-bloke ng shabu.

Sabi ni Makati City police chief Col. Harold Depositar, sumakay ang poseur buyer sa SUV ng mga suspek sa Kalayaan para sa transaksyon, bago ito hinarang ng mga pulis makalipas ang 1 kilometrong biyahe.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas, mga big-time drug pusher at courier ang mga suspek na bahagi ng malaking drug group. Sabi ni Sinas, kabilang ang mga nakumpiskang droga sa tinaguriang lumang stock ng mga tulak ng droga na hindi nabenta noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). 

"Ibig sabihin talagang marami pa ring shabu na binebenta ngayon. Lalo na medyo naramdaman nilang maluwag na, so naglabasan na siguro iyong mga old stocks nila,” ani Sinas.

Pero tinanggi ito ng 2 na nagsabing hindi nila alam na droga ang bitbit nila at inutos lang itong dalhin nila kapalit ng pera. Depensa ni “Indeg”, pinasama lang siya sa lakad ng kasama. Ayon naman kay “Taba", pinangakuan sila ng bayad para ihatid ang mga item sa isang taong tatawagan lang nila.

"Kung alam lang namin, ‘‘di naman namin gagawin ang droga,” sabi niya.

Nahaharap silang pareho sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Inaalam naman ng pulisya ang source nila ng droga para magsagawa ng follow-up operation.--Ulat nina Gracie Rutao at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MULA SA ARKIBO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.