Nagpapahinga ang isang nagbibisikleta sa likod ng Kilometer Zero Marker ng Rizal Park sa Maynila noong Mayo 25, 2020 Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA - Target na bantayan ng Philippine National Police (PNP) ang mga nagpa-public display of affection at mga young professionals sa pagpapaigting nila sa pagbabantay ng health protocols dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.
Ayon kay PNP Spokesperson Ildebrandi Usana ngayong Martes, posibleng ibalik nila ang dating patakaran sa pagsita at pagkaso sa mga pasaway, o pagpataw ng parusa at pag-aresto, depende sa ordinansa at pakikipag-usap nila sa lokal na pamahalaan.
"Yung public display of affection, kasama rin po 'yan kasi alam naman po natin dahil nag-open for a while ang economy, marami pong namamasyal, marami pong mga tao na sadya talagang na-miss nila ang kanilang pagsasamahan. At of course, yung mga young professionals, it appears na sila po ang mataas ang bilang ng mga nahawahan nitong last week," ani Usana.
Matatandaang apat na sunod-sunod na araw nang nakakapagtala ng mahigit 3,000 dagdag-kaso ng COVID-19 ang Department of Health.
Nakakapagtala na rin ang ilang ospital ng pagdami ng COVID-19 cases sa kanilang mga pasilidad.
Babantayan din ng PNP ang mga young professional na edad 20 hanggang 35 na madalas umanong masita sa bars at tourist spots.
"We might probably as well advise them na medyo hinay-hinay pa rin ang kanilang exposure," ani Usana sa panayam sa TeleRadyo.
Hinimok din ni Usana ang publikong kuhanan ng retrato at isumbong ang mga pulis na lumalabag sa protocols.
Tiniyak ng PNP na hindi nila palalagpasin ang mga ganitong sumbong.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, headline Pilipinas, exposure, pandemic, COVID-19, tourist spots, COVID-19 cases surge, quarantine prototlcs, quarantine violators, PNP spokesperson, Ildebrandi Usana