Trak dumausdos habang paakyat ng Baguio; 6 sasakyan nagsalpukan

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2019 02:51 PM

Nagkasalpukan ang ilang sasakyan sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet Sabado habang paakyat sa Baguio City nang dumausdos ang isang trak.

Ayon kay Tuba Municipal Police chief Police Maj. James Acod, paakyat ng Baguio City ang mga sasakyan nang mapaatras ang isang dump truck, dahilan para bumangga sa kanang bahagi ng van sa likod nito. 

Naitulak ang nabanggang van sa isa namang AUV na nasa likod nito. 

Dumaudos pa pababa ang trak kaya bumangga pa ito sa isang bus at SUV, na napaatras pa sa isa pang trak. 

Ayon kay Acod, mechanical defect ang tinitignan nilang dahilan kung bakit napaatras ang trak. 

Nawalan daw ng preno ang trak at mabigat ang karga nitong buhangin.

Walang nasaktan sa insidente. 

-- Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.