Mga bahay, karinderya natupok sa Davao

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 11:28 AM

Inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng apoy na tumupok sa 3 bahay at 3 tindahan sa Toril, Davao City nitong Biyernes. Bonna Pamplona, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Nilamon ng apoy ang 3 bahay at 3 tindahan sa siyudad na ito ala-6:30 ng umaga nitong Biyernes.

Nasa labas na lahat ang mga gamit na naisalba sa nasunog na karinderya ni Leonila Daya, habang pinipili naman ni Fredie Lumbayan ang mga gamit panluto na pwede pang magamit sa nasunog niyang karinderya.

Ayon kay Lumbayan, mabilis na kumalat ang apoy lalo na't gawa lamang sa kahoy ang itaas na bahagi ng building.

Aabot sa P300,000 ang lugi ni Lumbayan sa pagkasunog ng kanyang karinderya.

Base naman sa initial investigation ng Toril Fire Station sa Davao City, electrical short circuit ang isa sa nakikitang sanhi ng sunog, ngunit hindi pa nila matukoy kung saan ito nagmula.

Ayon sa Toril Fire station, P2 milyon ang pinsala ng sunog.