Labi ng pinatay na mag-iina, iuuwi na sa CamSur

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 05:33 PM

Nakatakdang iuwi sa Sabado sa Camarines Sur ang mga labi ng mag-iinang pinaslang ng kanilang padre de pamilya sa Romblon noong Marso 6, 2018. Nabaril at napatay rin ang suspek na nagtangka umanong manlaban sa awtoridad. Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

BUHI, Camarines Sur – Pinaghahandaan na ng isang pamilya dito ang pagdating ng kanilang mga kaanak na pinaslang ng mismong padre de pamilya sa Romblon kamakailan.

Abala sa paglilinis ang pamilya Talanggan sa Sitio Puro, Barangay San Pedro para sa pagdating ng mga labi ng panganay na si Mylene at dalawa nitong menor de edad na anak.

Didiskartehan na lang daw ng pamilya kung paano ipagkakasya ang kabaong ni Mylene at ng dalawang bata sa bahay, kung saan sila ibuburol.

Kuwento ng madrastang si Lucita Reyes, agad nagpunta sa Romblon ang ama ni Mylene nang malaman ang nangyari.

“Masakit po sa kalooban niya. Kahit gustong umiyak, hindi siya makaiyak kasi pinipigilan nga niya,” sabi ni Reyes.

Ang ama ng mga bata at kinakasama ni Mylene na si Michael Falceso ang itiniturong nasa likod ng pagpatay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag live-in partner dahil sa madalas umanong paglalasing ng 33-anyos na suspek.

Dito na raw pinagtataga ng suspek ang kaniyang mag-iina.

Nanlaban pa umano ang suspek sa awtoridad na rumesponde kaya nabaril ito. Dead on arrival si Falceso sa pagamutan.

Sa galit ng nakababatang kapatid ni Mylene na si Jessa, ginupit nito sa family picture si Falceso. Kahit nais ni Jessa na makompleto silang pamilya sa kaniyang kasal sa Abril, malabo na itong mangyari.

“Sabi niya (Mylene) sa akin hindi siya makakauwi, pero pinilit-pilit ko talaga siya kaya inaasahan ko na uuwi sila nitong kasal ko. Kaso uuwi sila na wala nang buhay,” sabi niya. 

Mag-iisang dekada nagkasama sina Mylene at Michael, na nagkakilala sa Bulacan. Bagong lipat ang pamilya sa Romblon.

Kuwento pa ni Jessa, nag-iiba ang ugali ni Michael tuwing nakakainom. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.