Kapitan ng barangay sa Compostela, agaw-buhay dahil sa pamamaril

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 03:40 PM | Updated as of Mar 09 2018 03:58 PM

MONKAYO, Compostela Valley - Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo ang kapitan ng Barangay Casoon, Huwebes.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binaril ang biktimang si Anastacio Esguerra pasado alas-3 ng hapon habang papunta sa Poblacion ng Monkayo sakay ng kaniyang motorsiklo.

Tinamaan si Esguerra sa likurang bahagi ng kaniyang leeg at lumusot ang bala sa kaniyang bibig. Kasalukuyan siyang ginagamot sa ospital.

Isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya ay ang posibleng pag-resbak ng New People's Army dahil halos 200 na miyembro ng armadong grupo mula sa nasasakupan ni Esguerra ang sumuko noong Lunes.

Tinutugis na ng mga pulis ang mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.