Forum para sa pagdiriwang ng Int'l Women's Day, ginanap

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 04:37 AM | Updated as of Nov 09 2018 03:17 PM

Ginanap nitong Huwebes sa Pasay City ang isang forum bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Women's Day.

Pinangunahan ito ng Philippine Commission on Women na pinamagatang "We Make Change: Women Inspiring Women Series".

Layunin ng forum na magbigay inspirasyon sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kani-kanilang mga istorya sa mga kapwa nila babae.

Bukod dito, tinalakay din ang mga pagbabago sa trabaho ng mga kababaihan at hinimok ang mga dumalo na suportahan ang bawat isa.

Isa sa mga tagapagsalita ay si Raissa Laurel Subijano, ang noo'y law student na nakaligtas sa pagsabog noong 2010 bar exams.

Naputulan siya ng paa dahil sa insidente pero sa kabila nito, nakapagtapos pa rin siya ng law noong 2015. 

Marami rin daw nagbukas na oportunidad para kay Subijano magmula noon, at ngayon ay isa na siyang konsehal sa lungsod ng San Juan.

Bukod sa kaniya, nagsalita rin si Maria Katrina Manalo, CEO and founder ng Aurelia and Amelia at DOST Usec. Dr. Brenda Nazareth-Manzano.

Isa rin sa tagapagsalita ay si Ces Drilon na nagbigay ng inspirasyon kung paano niya matapang na hinarap ang panahong na-kidnap sila ng Abu Sayyaf noong 2008. 

Ayon kay Drilon, sa kabila ng pagtanggap niya nang mga panahong iyon sa tiyak na kamatayan, hindi siya nawalan ng pag-asa na makakaligtas sila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.