DILG, sinigurong 'tuloy na tuloy' na ang halalan sa Mayo

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 10:06 PM

Hindi na ipagpapaliban pa ang eleksiyon para sa mga posisyong pang-barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Mayo, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG). 

Paliwanag ng DILG, hindi na aabot ang mga panukala sa Kongreso na ipagpaliban ang halalan na magaganap sa Mayo 14.

May mga kapitan pa raw kasi na umaasa sa postponement para humaba pa ang kanilang termino.

Malaki umano ang hawak nilang pondo lalo na sa mga mayayamang siyudad.

Ang Barangay Bel-Air sa Makati, itinuturing na isa sa mayaman at progresibong barangay sa bansa.

Nasa P200 milyon kada taon ang pondo nito na galing sa P180 milyon na real property tax, at iba pang galing sa internal revenue allotment o IRA.

Ang IRA ang pondo na binibigay ng national government depende sa laki ng populasyon, lugar, at iba pang kinikita nito.

Noong 1989 pa simulang naging kapitan dito si Constancia Lichauco, pero minsan nang nakuwestiyon dahil sa alegasyon ng korapsiyon.

Dahil dito, pinagsusumite ng DILG ng inventory ng pera at gamit ang 42,000 na mga barangay captain.

Nagbabala rin ito sa paglitaw ng mga flying voters. 

Matatandaang nasa 300 na “flying voters” sa Pasay ang nadiskubre na ginagamit ang isang istasyon ng LRT bilang address.

Sa darating na Mayo 14, pinayuhan ng DILG ang mga botante na suriin kung matino, mahusay, at maaasahan ang kapitan.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.