Dating preso arestado sa buy-bust sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 12:28 PM

GENERAL SANTOS CITY - Na-corner ng mga operatiba ang isang dating preso sa isang buy-bust operation sa Barangay Dadiangas North, Huwebes.

Nakuha ang 2 sachet ng hinihinalang shabu at P500 na buy-bust money mula sa suspek nang maaresto ito sa tinutuluyan niyang boarding house.

Ito na ang ika-4 operasyong ikinasa ng mga pulis laban sa suspek, ani Senior Inspector Brent Ian Salaza, deputy chief ng Regional Police District dito sa probinsya.

Nakatunog ang suspek sa unang 2 operasyon kaya nakatakas, habang asin naman ang laman ng itininda niyang sachet sa mga operatiba noong pangatlong buy-bust kaya hindi ito nakasuhan.

Inamin ng suspek na gumagamit siya ng ipinagbabawal na droga, ngunit itinanggi na isa siyang tulak.

Nakulong ang suspek noong 2016 dahil sa kasong illegal possession of firearms, ngunit agad na nakalaya matapos magpiyansa.

Haharap sa kasong selling at possession of dangerous drugs at drug paraphernalia ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.