Balanseng EO sa kontraktuwalisasyon, tiniyak ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 10:51 AM | Updated as of Mar 09 2018 01:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na binabalanse nila ang kapakanan ng mga manggagawa at ng management sa pagbalangkas ng isang batas laban sa kontraktuwalisasyon.

"We have to realize na in balancing the interest of labor and management, kailangang tingnan din natin ang viability ng negosyo. Kasi sabi namin, 'pag walang negosyo, walang trabaho," pahayag ni Bello.

Sa panayam sa DZMM, Biyernes ng umaga, sinabi ni Bello na ang paggawa ng executive order kaugnay sa kontraktuwalisasyon ang kanilang pinagkakaabalahan sa ngayon.

"Ire-recommend namin kay Presidente -- one order that is acceptable hopefully, by labor and also by management," ani Bello.

Patuloy na hinihiling ng labor groups kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng isang EO na tutuldukan ang lahat ng uri ng contractual employment sa bansa.

Noong 2017, naglabas din ang DOLE ng Department Order 174 pero hindi ito sapat para sa mga labor group dahil may pinalulusot pa rin umanong ilang uri ng contractual employment.

"Within this week, we will submit to the President after we consult with labor and management," dagdag ni Bello.

Samantala, hindi pa rin tuluyang sarado ang hiling ng labor groups na bigyan ng ayuda ang minimum wage earners.

Ayon kay Bello, natalakay na niya ang hiling na P500 cash subsidy sa labor groups.

“I took this up with Sec. [Carlos] Dominguez ng Finance, mukhang nagulantang ata…masyadong malaki ang involved...we’re talking about P24 billion to P26 billion,” sabi niya.

Ani Bello, pagaaralan pa niya ng husto ang suhestiyon ng labor groups at ang posibilidad na liitan ang halaga.

“Baka puwedeng makahiling ng P100 to P200 a month instead of P500 a month. Pero I have to take this up with Secretary Dominguez, Sec. [Ernesto] Pernia ng NEDA at siyempre ng DBM kung kaya ba ito,” dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.