Ate Vi, umaming nagulantang sa sagutan nina Sereno, De Castro

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 10:27 PM | Updated as of Jan 08 2020 06:21 PM

Watch more in iWantTFC

Inamin ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto na nagulat siya sa "tensiyonadong" paghaharap nina Supreme Court Associate Justice Teresita De Castro at Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa anibersaryo ng Philippine Women Judges Association (PWJA) nitong Huwebes.

Si Santos-Recto kasi dapat ang susunod na magsasalita matapos ang speech ni Sereno, kung saan niya binanatan ang mga kritikong nagtutulak na mapatalsik siya sa puwesto.

Pero sa di inaasahang pagkakataon, tumayo si De Castro at nagparinig kay Sereno.

"Maski ako napahinto din eh, hindi ko alam kung tatayo ako o uupo ako, so all the while meron na kong tensiyon sa sarili ko," kuwento niya. 
    
Ayon kay Santos-Recto, kitang kita niya ang reaksiyon ng audience na siyang dahilan kung bakit siya napa-adlib sa speech. 

"Siyempre nakatingin ako sa audience I can feel 'yung nag-uusap sila kaya siguro papunta na 'ko sa podium parang na-absorb ko lahat ng tensiyon," aniya.

Sa sobrang tensiyon, nakalimutan na niyang batiin ang mga bisita at bagkus ay bahagyang nagpatawa na muna.

Ikinalulungkot naman niya ang nangyayaring bangayan sa loob ng Korte Suprema. 

"I feel frustrated, especially (because) women's month, pareho pang babae itong nasa sitwasyon nating ganito. Pinag-uusapan natin dito Supreme Court, isa sa pinakamabigat na branch ng gobyerno," aniya.
    
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ni Santos-Recto kung anong magiging boto niya sa plenaryo pagdating ng committee report na pagbobotohan sa Miyerkoles.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.