Ano ang parusa sa prostitusyon?

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 06:05 PM | Updated as of Jan 08 2020 04:34 PM

Watch more in iWantTFC

Maaaring maharap sa pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang nagbebenta ng aliw o nakikipagniig kapalit ng salapi, ayon sa isang abogado. 

Lumabas ito sa pagtalakay sa prostitusyon sa programang 'Usapang de Campanilla' sa DZMM nitong Huwebes.

Ayon kay Atty. Claire Castro, pwedeng makulong ng 30 araw ang isang taong napatunayang lumahok sa prostitusyon. Maaari namang tumaas sa hanggang 6 na buwan ang pagkakakulong kung paulit-ulit ang ginawang pagbebenta ng aliw.

May parusa rin ang kliyente at ang nagbugaw sa ilalim ng batas sa human trafficking.

"Sa human trafficking, it's more on the pimp, kung sino ang nagre-recruit," ani Casto. 

"At 'yung mga nare-recruit niya na ma-exploit sexually, 'yun yung tinatawag na trafficked person. Minsan biktima sila, puwede silang mag-file ng complaint," dagdag nito. 

Maaari rin aniyang mangyari ang prostitusyon kahit walang naganap na bayaran sa pagitan ng nagbebenta ng aliw at ng kliyente.

"Kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang bar, tapos itong bar na ito ay minamatyagan na, nagkaroon pa kayo ng usapan, nagpunta na kayo sa motel, that's already an act of prostitution," paliwanag ni Castro.

Hindi lang mga babae ang maaaring masangkot sa pagbebenta ng aliw at sakop ng prostitusyon.

"Kasi ang pinag-uusapan nating prostitusyon noon, talagang selling sexual pleasure for a fee. Pero ngayon kasi, pati lalaki eh masasakop na because of the human trafficking law. Sakop na yung lalaki when it comes to selling of sex," ani Castro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.