7 sugatan sa karambola ng 4 na sasakyan sa QC

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 12:41 PM | Updated as of Jan 08 2020 04:11 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA (UPDATED) - Umakyat na sa 7 ang nasaktan sa karambola ng 4 na sasakyan sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City, Biyernes ng umaga.

Isang taxi, 2 truck at isang jeep ang nasangkot sa aksidente, ayon sa traffic enforcer na si Rodolfo Lagahit

Bandang 11:30 ng umaga nangyari ang aksidente kung saan nawalan umano ng preno ang isang forward truck na may bitbit na bakal.

Nabangga nito ang isang taxi bago sumalpok sa poste at nadale ang isa pang nakaparadang delivery truck.

Sa lakas ng pagkakabangga naman sa taxi ay nabangga rin nito ang isang pumapasadang jeep.

Yuping-yupi ang likuran ng taxi at sugatan ang drayber nito na si Johnny Cajes. 

Isang babaeng tumatawid rin ang nasugatan habang 5 pa ang nasaktan pero di naman nagtamo ng sugat sa katawan

Dinala ang mga nasaktan sa East Avenue Medical Center habang naialis na sa kalsada ang mga naaksidenteng sasakyan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.