60 OFW sa Saudi, hindi pinapasuweldo ng 6 na buwan

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 10:38 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos 60 Pilipino na nagtatrabaho sa isang ospital sa Jeddah, Saudi Arabia ang 6 buwan nang hindi pinapasuweldo, ayon sa isa sa kanila.

Ipinasara ang Al Mashfa Hospital noong October 2016, ngunit hindi pinapayagan ng employer ang mga trabahador na mag-resign o lumipat ng trabaho, ayon sa nurse na si Mark Kevin Briguela.

"Gusto na namin magresign dati pa para makalipat sa ibang ospital pero ayaw nila kami pagresignin kasi nga po bubuksan pa daw nila (ulit ang ospital)," sabi ni Briguela sa isang panayam sa DZMM.

"Kahit po sarado 'yung ospital, pumapasok kami para mag check ng inventory, gumawa ng documents," dagdag niya.

Ayon kay Briguela, hindi rin sila makauwi sa Pilipinas dahil nag-expire na ang kanilang residence permit sa kakahintay sa ipinangakong muling pagbubukas ng Al Mashfa Hospital.

Naputulan na rin ng kuryente at tubig ang tinutuluyan ni Briguela at mga kasamahan niyang OFW dahil hindi na ito binabayaran ng kanilang employer.

"Imbis na kami magpadala (ng pera sa Pilipinas), kami pa ang pinapadalhan dito," ani Briguela.

"'Yung iba dito 'yung mga anak, hindi na nakapag-aral, 'yung mga kamaganak namatay na, hindi na nakauwi," aniya.

Giit ni Briguela, humingi na sila ng tulong mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Saudi ngunit hindi pa rin nasosolusyonan ang kanilang problema.

"Sabi nila (POLO) may meeting sila sa kumpaniya namin pero hindi naman kami sinasabihan anong nangyayari, kung nagmi-meeting ba sila talaga," ani Briguela.

Nanawagan si Briguela na mas paigtingin ng mga kawani ng pamahalaan ang pagbabantay sa kalagayan ng mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.