4 na sasakyan nagkarambola sa QC; 1 patay, 6 sugatan

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 06:35 PM | Updated as of Mar 09 2018 09:56 PM

MAYNILA—Nasawi ang 1 babae matapos mahagip sa karambola ng 4 na sasakyan sa Batasan—San Mateo Road, Quezon City Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Jallen Torta, 23.

Watch more in iWant or iWantTFC

Ayon sa first responder at traffic enforcer na si Rodolfo Lagahit, tumatawid ng kalsada ang babae nang mabangga sa aksidente.

Apat na sasakyan kabilang ang 2 truck, 1 taxi at 1 jeep ang nagkarambola pasado alas-11 ng umaga. 

Nawalan aniya ng preno ang truck na may kargang mga bakal kaya't bumangga ito sa isang taxi bago sumalpok sa poste.

Nahagip din ang isa pang nakaparada na truck at 1 pumapasadang jeep

Bukod sa babaeng namatay, sugatan ang drayber ng taxi habang 5 pa ang nasaktan sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.