3 sugatan sa karambola ng 5 sasakyan sa Pasay

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 06:38 PM

Depensa ng driver ng pick-up, aksidenteng natapakan niya ang silinyador imbes na ang preno. Raya Capulong, ABS-CBN News

Isang babae ang kritikal at 2 pa ang sugatan sa karambola ng 5 sasakyan sa Arnaiz Avenue at Leveriza Street, Pasay City Biyernes ng hapon.

Ayon kay SPO3 Marilou Intia, imbestigador ng Pasay Traffic, paikot sa u-turn slot ang isang Isuzu pick-up na minamaneho ni Rolen Rivera, 25, bandang alas-3 ng hapon.

Tinamaan ng pick-up ang isa pang sasakyan. Nang tuluyang makaikot na sa u-turn slot tinamaan naman nito ang nakaparadang motorsiklo pati na ang nakatayong babae na nasagasaan pa nito.

Naararo rin nito ang ang isang kotse at SUV na naitulak pa papasok sa isang bangko, dahilan para mabasag ang pintuan ng bangko at masugatan ang isang lalaki at babae.

Depensa naman ng driver ng pick-up, aksidenteng natapakan niya ang silinyador imbes na ang preno.

Nasa kustodiya na ng Pasay Traffic ang driver ng pick-up na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.