3 hinihinalang NPA arestado sa Compostela Valley

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 12:21 PM

MACO, Compostela Valley - Tatlong pinaghihinalaang rebeldeng komunista ang nahuli ng militar sa bayang ito, ayon sa mga awtoridad.

Kabilang sa mga nahuli ang isang alias Raymond, na may dala pa umanong improvised explosive device. Tinuturuan umano ng suspek ang mga residente ng Maco kung paano gumawa ng bomba.

Naaresto rin sina alias Barle, matapos makuhanan ng isang baby armalite, magazine at mga bala at isang alias Nerio matapos makuhanan ito ng isang granada.

Nasa 1,288 pinaghihinalaang tagasuporta ng New People's Army sa Monkayo ang sumuko sa lokal na pamahalaan nitong Miyerkoles.

Hinihikayat ni Sr. Supt. Marvin Pepino, ang Provincial Police Director ng Compostela Valley police, ang mga surrenderee na tulungan silang pigilan ang umano'y pangingikil ng mga rebelde sa lugar.