2 pulis sa Puerto Princesa positibo sa droga

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 01:10 PM

Dalawang tauhan ng Puerto Princesa City Police ang nagpositibo sa droga sa isinagawang surprise drug test noong Marso 4, 2018. Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Kinumpirma ng hepe ng Puerto Princesa City Police na 2 sa kanilang tauhan ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.

Ayon kay Senior Superintendent Francis Cariaga, Linggo ng madaling araw nang mahuli ng City Drug Enforcement Unit at Anti-Crime Task Force ang isang babae sa buy-bust operation sa Nadayao Road, Barangay San Pedro.

Itinuro naman ng suspek ang 3 pulis na umano'y gumagamit ng droga. Ayon sa pulisya, sa Police Station 1 umano naka-assign ang 3 isinasangkot na pulis sa ilegal na droga pero hindi na muna nila pinangalanan.

Upang makumpirma ito, agad na nagsagawa ng surprise drug testing noong Marso 4 sa 38 na pulis nito.

"Few minutes pa lang noong dumating ang operatives, kagagaling lang ng dalawang pulis na nakasabay niya, at ang sabi pa nga niya yung isa ay aktong nakita niyang gumagamit. Ang paraan ko lang naman para ma-validate ko yung sinasabi niya ay through a drug test, " paliwanag ni Cariaga.

Bagama't nagpositibo sa drug test ang 2 sa kanila, kailangang kumpirmahin pa ito sa Maynila.

"Positive talaga doon 'yung 2 indication pa lang naman, meaning to say, 'yung result n'ya hindi pa affirmative. It requires confirmation pa," ani Cariaga.

Dahil dito, restricted na umano ang 2 pulis at dinisarmahan na rin sila. Nakausap na rin sila ng kanilang hepe pero tikom umano ang bibig ng 2 pulis.

Dadaan pa rin sa proseso ang 2 pulis bago sila tuluyang mapanagot, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.