2 babaeng dalaw sa preso, nagsiksik ng kontrabando sa ari, timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 08:45 PM | Updated as of Mar 09 2018 09:10 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang dalawang babae matapos ilagay sa kanilang puwerta ang mga tabako, sigarilyo, at mga sachet ng shabu na ibinebenta umano nila sa loob ng Manila City Jail.

Sa hiwalay na pag-iinspeksiyon ng Manila City Jail sa mga pagkaing dinadala at maging sa mga bumibisita, nabisto ang modus operandi ng dalawang babae na magkasunod na nahuli nitong Marso 6 at 7.
 
Napansin kasing may nakaumbok sa kanilang mga suot na damit nang kapkapan.
    
Nagduda na ang mga jail guard nang "nahimatay" ang bisita na si alyas "Emma" nang sabihing isi-strip search siya.

"Tinest namin ang reflex niya kung ok. [Pero] imbes na biglang babagsak ang kamay niya dahil nga nahimatay, dahan-dahan niyang binaba," ani Senior Inspector Jay Bustinera, tagapagsalita ng Manila City Jail.

Tinuloy ang strip search kay Emma sa banyo at doon na nagulat ang mga babaeng jail guard dahil nakita ang package sa kaniyang ari.

"Nagulat ako dahil parang 500 ml na mineral water 'yung nandon sa ano niya," kuwento ni Jail Officer 3 Malou Tefla. 

Nang buksan na ang package, doon na nadiskubre ang anim na tabako, 24 pirasong sigarilyo, at mga sachet ng shabu.

Umamin si Emma na pinagkakakitaan niya ito.

Ganoon din ang naging modus ng isa pang babae na sinubukang ipuslit ang mga tabako at shabu sa kaniyang ari isang araw lamang matapos mahuli ni Emma.

"Sa labas kasi P25 lang bili ko sa tabako, pero pag binenta doon sa loob P300 kada stick kaya kumikita ako ng P1,200 sa apat na tabako stick," ani alyas "Roda," ang nahuling babae. 

Kinasuhan na ng possession of illegal drugs ang dalawa.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.