12 miyembro ng BIFF patay sa sagupaan sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Mar 09 2018 06:42 PM | Updated as of Nov 12 2018 01:32 PM

Narekober ng militar ang isang armas, mga bala, at isang itim na bandila sa armory ng isang commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Maguindanao, Huwebes. ABS-CBN News

Umabot sa 12 bandido ang patay sa bakbakan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao nitong Huwebes.

Ayon sa ulat mula kay Capt. Elvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, bukod sa mga napatay na bandido, sinasabing may 23 iba pang BIFF ang nasugatan sa sagupaan sa Sitio Lapitos, Barangay Lower Salbu, Datu Saudi Ampatuan.

Ang mga bandido ay miyembro umano ng grupo ni BIFF commander Karialan. Ang BIFF ay isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front. 

Ayon sa militar, nakatanggap sila ng report na may isang armory umano na pagmamay-ari ng isang commander Peni ng BIFF special operations group na nag-o-operate sa lugar.

Matapos ang bakbakan, isang M14 rifle, mga magazine at bala, bandoliers at vest, mga gamit sa paggawa ng bomba at mga medical supply tulad ng IV, syringe at gasa ang nakuha ng mga sundalo.

Nakuha rin ang isang itim na bandila na kahalintulad ng ginagamit ng international terror group na Islamic State.

"We don't have any information kung ano man relasyon nila sa grupong may hawak o pinanggalingan nito pero ito nakuha ito doon, so subject for further investigation ng intelligence kung what would this lead to," ani Brig. Gen. Diosdado Carreon, commander ng 601st Infantry Brigade. 

May mga bahagi rin ng mga improvised explosive device (IED) ang nakuha ng militar sa bahay ng isa umanong BIFF bomb maker sa Barangay Datu Hoffer, Maguindanao noong Martes. -- Ulat nina Henry Atuelan at Lora Mae Andong, ABS-CBN News